Araw ng mga Guro!

PINAGDIRIWANG ngayon, Oktubre 5, ang Pandaigdigang Araw ng mga Guro o World Teacher’s Day. Ang okasyon ay bilang pagbibigay-pugay sa napakalaking pananagutan ng mga guro sa kanilang napiling propesyon sa kabila ng kanilang mahirap na kondisyon sa gawain, kokonting pinagkukunan ng dagdag na kaalaman at kagamitan sa pagtuturo at maliit na suweldo. Ito ay pagkilala na rin sa kanilang patuloy sa pag-akay at paglinang sa kanilang mga mag-aaral na maging responsable at produktibong mamamayan ng bansa.

Itinuturing din na mga bayani ng bagong panahon ang mga guro dahil sa kanilang matibay na determinasyon sa kabila ng papababang morale sa kanilang napiling propesyon.

Sa Pilipinas, karamihan sa mga guro ay pinipigil ang kaway ng tukso ng pagtatrabaho sa ibang bansa. Ilan sa kanila ang nagsasabing mabuti pa ang mag-abroad makalaya lang sa ganito kabigat na gawain ngunit hindi naman financially rewarding.

Ngunit ang mga gurong ito na rin ang nagsasabing kapag nasa proseso na sila ng pag-aayos ng kanilang travel documents, ang imahe ng mga musmos sa silid-aralan na kanilang maiiwan ay sapat upang tumulo ang kanilang luha, iisantabi ang kanilang hinanakit sa pamahalaan at kalimutan na lang ang praktikalidad.

Mahirap maging guro sapagkat modelo sila ng mga kabataan. Isang maling kilos ay mapupuna. Ultimo munting kontribusyon mula sa mga mag-aaral na pambili ng chalk kung kinakapos ang budget ng pamahalaan ay sapat upang maging isyu sa isang guro na wala rin namang ibang mapagkunan.

Bilang pangalawang magulang ng mga bata, pumapapel sila bilang tagapayo o kaibigan kapag may nagkaproblema sinuman sa klase. Ang gatla sa kanilang noo ay hindi lang dahil sa problema sa pansariling buhay kundi maging ng bawat pupilong nagdaraan sa kanilang mga kamay.

Sa bawat bahagdan ng edukasyon, ang mga guro ang pinakapuso ng lahat ng pagsisikap upang mapalaganap ang kapayapaan, karapatang pantao, demokrasya, pag-angat ng kabuhayan at pagkakaisa ng buong mundo.

Batiin natin ang ating mga guro sa nakaraan at kasalukuyan. Sila ang naghandog ng kanilang buhay sa paniniwalang ang pagkatuto ang pinagmumulan ng kalayaan, at ang edukasyon ang buhay at dugo ng demokrasya.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: